Nakahanda na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maghatid ng ayuda sa mga komunidad na posibleng maapektuhan ng inaasahang pagpasok ng Super Typhoon Champi sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong linggo.
Ayon sa DSWD, mayroon nang 4,571,390 family food packs na nakaimbak sa mga relief warehouse nito sa buong bansa.
Maliban rito mayroon na din umanong nakaimbak itong 344,942 non-food items at 204,745 ready-to-eat food packs na maaaring ipamahagi sa mga nangangailangan.
Sinabi ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao na patuloy na pinananatiling aktibo ang suplay ng mga pangunahing pangangailangan sa pamamagitan ng mga strategic hub at warehouse ng ahensya upang mabilis na maihatid ang karagdagang tulong sa mga komunidad na mangangailangan nito.
Tuloy-tuloy rin ang produksyon ng mga family food pack sa mga pangunahing production hub ng ahensya bilang bahagi ng pinaigting na paghahanda sa posibleng epekto ng bagyo.
Ayon sa DSWD, alinsunod ang mga hakbang na ito sa direktiba ng Pangulo na tiyaking sapat ang nakaimbak na suplay ng mga pangunahing pangangailangan at mabilis na maipamahagi ang relief assistance sa panahon ng kalamidad.
Patuloy namang sinusubaybayan ng ahensya ang mga ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) kaugnay ng galaw ng Champi, na inaasahang maaaring makaapekto sa Hilagang Luzon, Cagayan Valley at hilagang bahagi ng Ilocos Region sa pagtatapos ng linggo.
Batay sa ulat ng PAGASA dakong alas-8 ng umaga nitong Linggo, namataan ang super typhoon sa layong 2,145 kilometro silangan ng timog-silangang Luzon, sa labas pa ng PAR. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 185 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 230 kilometro kada oras.














