Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbuo ng pambansang carbon market policy framework upang makahikayat ng pamumuhunan sa mga proyektong pangkalikasan at para mabawasan ang greenhouse gas emissions sa bansa.
Sa ilalim ng Executive Order No. 127, inatasan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na bumuo ng mga patakaran at alituntunin para sa pakikilahok ng Pilipinas sa lokal at pandaigdigang carbon markets.
Sa carbon market, maaaring bumili at magbenta ng carbon credits ang mga kumpanya at bansa mula sa mga proyektong nagpapababa o nag-aalis ng greenhouse gas emissions.
Layunin din ng kautusang nilagdaan noong Oktubre 13 na palawakin ang access ng bansa sa climate financing, makabagong teknolohiya, at mga pamumuhunan na susuporta sa pagtupad ng Pilipinas sa mga pangakong pangklima sa ilalim ng Paris Agreement.
Itinatag din ni Pang. Marcos ang Inter-Agency Committee on Carbon Markets, na pamumunuan ng Climate Change Commission, katuwang ang Department of Finance bilang vice chair, upang pangasiwaan ang mga patakaran at implementasyon ng framework.
Binigyan naman ang DENR ng 30 araw mula sa bisa ng kautusan upang isumite sa komite ang panukalang framework. Itatalaga rin ang ahensya bilang pambansang awtoridad sa carbon markets at tagapangasiwa ng Philippine National Carbon Registry para sa pagsubaybay sa carbon credits at mga transaksyon.















