Tinanggap na ni Senate President Sherwin Gatchalian ang paghingi ng paumanhin ng House Prosecution panel kasunod ng kanilang wacky pose sa loob ng session hall ng Senate Impeachment Court.
Maalalang pinangunahan ni House Lead Prosecutor Rep. Gerville Luistro ang paghingi ng paumanhin matapos mapuna ng mga senator-judge ang kanilang kumalat na larawang kuha sa loob ng courtroom.
Sa kabila nito, nanindigan si Gatchalian na magpapadala pa rin ng babala ang Senado matapos ang ginagawa nilang imbestigasyon.
Nagpapatuloy din aniya ang kanilang pagsusuri sa CCTV footage para matiyak kung tunay ang mga kumakalat na larawan at video, kabilang ang mga ulat tungkol sa posibleng pagsasayaw sa loob ng Senado.
Ayon pa kay Gatchalian, tuloy pa rin ang pagpapadala ng warning o babala sa House panel, kung mapapatunayan ang kanilang mga paglabag.
Paliwanag ng Senate leader, bagaman walang problema sa pagkuha ng mga larawan bilang alaala, dapat pa ring panatilihin ang tamang asal sa loob ng session hall.
Ang session hall aniya, ay nagsisilbi bilang courtroom at nakaayos bilang isang korte upang dinggin ang impeachment case laban kay VP Sara Duterte.















