Naglabas ng bagong guidance o gabay ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa mga mangningisda na inaaasahang labis na maaapektuhan sa lumalalang El Niño phenomenon.
Pangunahin dito ang mga magiging epekto ng inaasahang pagtaas ng temperatura at kakulangan sa suplay ng tubig, lalo na sa mga lugar na nakadepende lamang sa tubig-ulan o mga lugar na hindi naaabot ng irigasyon.
Ayon sa ahensiya, maaaring maapektuhan ng matinding init at pagbabago sa kalidad at alat ng tubig ang kalusugan at paglaki ng mga alagang isda, na maaari ring magdulot ng pagkalugi ng mga fish farmer.
Payo ng ahensiya sa mga fish farmer, araw-araw na subaybayan ang temperatura at dissolved oxygen sa tubig, lalo na sa madaling-araw, upang makagawa ng akma at napapanahong adjustment kung sakali.
Dapat ding bantayan ng mga mangingisda ang posibilidad ng pagkawala ng gana ng mga isda sa pagkain , pagbabago sa kulay, amoy, at linaw ng tubig, at posibleng hindi pangkaraniwang pagkamatay ng mga alagang isda.
Sa ngayon, binabantayan na ng BFAR ang magiging impact ng El Niño sa production ng isda atbpang aquatic products sa buong bansa.
Ayon sa BFAR, regular nitong minomonitor ang mga aquaculture sites o mga fishpond, fishcages, fishpen, atbpang ginagamit sa pag-aalaga ng isda at iba pang lamang-tubig, sa tulong ng mga local office nito.
Kasama rin dito ang pagtutok sa capture fisheries o pangingisda sa mga karagatan sa pangunguna ng mga lokal na mangingisda ng bansa.














