Naghahanda na rin ang Department of Education (DepEd) sa posibleng epekto ng Super El Niño, partikular sa pagpapatuloy ng klase at pagtugon sa pangangailangan ng mga mag-aaral sa gitna ng matinding init at tagtuyot.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, kabilang sa mga pinag-aaralan ng kagawaran ang pagpapalawak ng mga school garden upang makatulong sa suplay ng pagkain para sa feeding programs ng mga estudyante.
Sinabi rin ni Angara na pinag-aaralan ang paggamit ng solar power upang makatulong na mapanatili ang maayos na kondisyon sa mga paaralan at mabawasan ang epekto ng mataas na temperatura sa pag-aaral.
Pinapayagan din ang mga estudyante na pansamantalang magsuot ng mas komportableng damit sa halip na uniporme, upang maibsan ang hirap na dulot ng matinding init ng panahon.














