Umabot na sa tinatayang ₱6.54 bilyon ang pinsalang idinulot ng El Niño sa sektor ng agrikultura sa halos sampung rehiyon sa Pilipinas, batay sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Apektado rin ng matinding tagtuyot ang 109 na lungsod at munisipalidad na nagdeklara ng state of calamity.
Naitala sa Cagayan Valley o Region 2 ang pinakamalaking pinsala sa agrikultura na nagkakahalaga ng ₱4.96 bilyon. Sinundan ito ng Cordillera Administrative Region (CAR) na may ₱934.9 milyon; Davao Region na may ₱410.1 milyon; Zamboanga Peninsula na may ₱95.8 milyon; at Bicol Region na may ₱37.48 milyon.
Sa 109 na munisipalidad na nagdeklara ng state of calamity, 66 ang mula sa Cagayan Valley, 23 sa Caraga, at 12 sa Bicol Region.
Ayon pa sa NDRRMC, umabot sa 241,664.65 ektarya ang kabuuang lawak ng mga pananim na naapektuhan ng El Niño. Sa bilang na ito, 51,594.93 ektarya ang tuluyang nasira, habang 188,507.02 ektarya naman ang bahagyang napinsala.
Samantala, umabot sa 215,386 na magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ng naturang kalamidad.
Patuloy na nararamdaman ng sektor ng agrikultura ang epekto ng El Niño, na nagdudulot ng malaking pagkalugi sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa iba’t ibang panig ng bansa.














