-- Advertisements --

Nanlumo ang mga mangingisda sa Barangay Pugaro Suit, Dagupan City matapos mamatay ang libo-libong alagang bangus sa ilang fish pen dahil sa epekto ng pabago-bagong kondisyon ng panahon.

Isinalaysay ng may-ari ng apektadong palaisdaan na si Puring Bautista na tatlong bangka ng napinsalang bangus ang kailangan nilang agad na hawanin at maialis sa tubig.

Bagama’t naisalba at naibenta pa ang ilang isda na may pulang hasang, dagdag na gastos sa kanila ang pagbabaon sa lupa ng mga nabulok na hindi na maaaring ikonsumo.

Binigyang-diin ni Bautista na napakahalagang maibaon agad ang mga ito upang maiwasan ang pagkalat ng sakit sa iba pang huli at maprotektahan ang kalusugan ng mga tauhan.

Lalo pang kinaharap ng mga fish grower ang hamon sa produksyon kaya pinalalakas nila ang iba’t ibang pamamaraan upang mapanatiling maayos ang kalidad ng tubig sa kabila ng matinding init.

Kasalukuyan namang patuloy na binabantayan ng mga awtoridad ang kalagayan ng katubigan habang ginagawan ng paraan ng mga mangingisda na maibsan ang karagdagang pagkalugi sa kanilang kabuhayan.