Inalala ni Sen. Joel Villanueva ang matinding emosyonal na pagsubok na pinagdaanan niya, ng kaniyang pamilya at ng kanilang relihiyosong komunidad dahil sa mga alegasyon at pag-atakeng pulitikal na kinaharap niya sa nakalipas na taon, kasabay ng pagkakaugnay ng kaniyang pangalan sa kontrobersiya sa mga maanomalyang flood control project.
Sa kaniyang talumpati sa ika-48 anibersaryo ng Jesus Is Lord (JIL) Worldwide Church sa Maynila nitong Sabado, sinabi ni Villanueva na dumaan siya sa matinding batikos at mga paratang na aniya’y naglalayong sirain ang kaniyang reputasyon at dignidad.
Hindi pinangalanan ng senador ang mga taong pinaniniwalaan niyang nasa likod ng umano’y kampanya laban sa kaniya. Gayunman, sinabi niyang maging ang mga dating kaalyado ay maaaring tumalikod at maging bahagi ng mga pag-atake sa politika.
Hindi direktang iniugnay ni Villanueva sa kaniyang talumpati ang mga pag-atake sa kontrobersiya sa flood control. Gayunman, nadawit ang kaniyang pangalan sa usapin at naging paksa ng mga imbestigasyon matapos siyang isangkot ng mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga alegasyon ng pagsingit ng pondo sa badyet at pagtanggap ng kickback mula sa mga proyekto ng pamahalaan.
Paulit-ulit nang itinanggi ni Villanueva ang mga paratang laban sa kaniya.
Ayon sa senador, masakit ang pinagdaanan niyang pagsubok, lalo na nang madamay ang kaniyang pamilya at ang komunidad ng JIL sa kontrobersiya.
Ang JIL ay itinatag ng kaniyang ama na si evangelist at CIBAC party-list Rep. Brother Eddie Villanueva.
Sa kabila ng mga pinagdaanan, sinabi ni Villanueva na nakayanan niya ang mga pagsubok sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos, na aniya’y nagbigay sa kaniya ng kapayapaan at lakas.
Binigyang-diin din niya na higit na mahalaga ang pagsang-ayon ng Diyos kaysa sa papuri ng ibang tao.














