Hindi kahinaan kundi estratehiya para mapabilis ang paglilitis ang naging desisyon ng House prosecution na bawiin ang bribery article sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang binigyang-diin ni House prosecutor at Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores.
Ayon kay Flores, sapat na ang ebidensiyang inilahad ng prosecution sa tatlong iba pang artikulo kaya hindi na kailangang magharap pa ng karagdagang ebidensiya sa alegasyon ng panunuhol.
Pormal nang ipinaalam ng prosecution sa Senate Impeachment Court ang pag-atras sa Article III, na nag-aakusa kay Duterte ng panunuhol sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd) upang maimpluwensiyahan ang mga desisyon sa procurement noong siya ang kalihim ng ahensya.
Ipinaliwanag ni Flores na nais din ng prosecution na matapos ang paglalahad ng ebidensiya bago ang isang buwang recess ng paglilitis, upang makapagsimula naman ang depensa sa pagharap ng kanilang panig pagkatapos ng pahinga.
Gayunman, nilinaw niyang maaari pa ring magsampa ng hiwalay na kasong kriminal kaugnay ng alegasyon sa Office of the Ombudsman o Department of Justice.
Sa pagdinig ngayong Lunes, sasailalim sa cross-examination ang huling saksi ng prosecution sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman. Inaasahan namang magpapahinga na ang prosecution matapos makumpleto ang presentasyon nito sa Article II.








