Itinanggi ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na “Bare” o halos walang laman ang opisina ng Senate President Pro tempore nang ibinaba niya ito noong 2022.
Ayon kay Lacson, iniwan niyang buo ang opisina na kalauna’y ginamit ni Senator Jinggoy Estrada, dahil ang refurbishment nito ay isinagawa gamit ang pondo ng gobyerno.
Sinabi ni Lacson na walang anumang tinanggal o sinira sa opisina nang ipasa niya ito kay Estrada noong 2022.
Nauna rito, itinanggi naman ni Estrada na sinadya niyang hubaran ng mga gamit ang opisina na nakatakdang gamitin ngayon ni Senate President pro tempore Vicente “Tito” Sotto III.
Ayon kay Estrada, ipinaalam nila sa kampo ni Sotto bago ang October 5 deadline na dadalhin sa bago niyang opisina ang ilang fixtures, furnishings at materials, na aniya’y karamihan ay binili gamit ang personal na pondo dahil hindi sapat ang budget mula sa Senado.
Umani ng atensyon ang usapin matapos mag-post si lacson ng ai-generated image na nagpapakitang halos walang laman ang opisina ni sotto, na may monobloc table, upuan at lampara.
















