-- Advertisements --

Ipinagpatuloy ngayong ika-34 na araw ng impeachment trial ang pagsusuri sa mga record ng pananalapi ni Vice President Sara Duterte at ng kaniyang kabiyak na si Atty. Mans Carpio matapos iprisinta ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang kabuuang summary ng kanilang mga bangko.

Inaasahang ipagpapatuloy ni Defense Atty. Mark Vinluan ang kaniyang cross examination sa saksi.

Matatandaang sinubukan ng kampo ng depensa na ipagbawal ang pagtestigo ni AMLC Executive Director Ronel Buenaventura dahil sa bank secrecy laws, ngunit isinantabi ni Presiding Officer Chiz Escudero ang mosyon base sa probisyon ng Republic Act No. 1405 at sa naging precedent sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.

Pinalagan din ni Senator-Judge Imee Marcos ang pagpapakita sa mga foreign currency account ng dalawa, subalit ibinabasura rin ito ni Escudero upang manatili ang mga dokumento bilang ebidensya.

Sa ulat na isinumite ni Buenaventura, pumalo sa P4.4 bilyon ang kabuuang covered at suspicious transactions na direktang nakatala sa mga bank account ng mag-asawa, bukod pa sa P4.5 bilyong pumasok sa 15 korporasyon kung saan mayroon silang mga business interest.

Kabilang sa mga naitala ng AMLC ang isang malaking transaksyon noong Marso 28, 2014 kung saan nakatanggap ng P193,705,615.88 ang joint account ni Sara Duterte at ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Bukod dito, kinumpirma rin ng AMLC na nakatanggap ang negosyo ni Carpio na CALE88 Foods Corp. ng P319,326,770.41 na pondo mula sa mainland China at Hong Kong.

Samantala, nagbabala naman si Atty. Vinluan na may katapat na pananagutang kriminal ang paglalabas ng mga kumpidensyal na rekord ng AMLC, na agad namang pinalagan nina Senator-Judges Raffy Tulfo, Kiko Pangilinan, Tito Sotto, at Risa Hontiveros.

Uminit din ang palitan ng salita sa pagitan ng mga abogado nang akusahan ni Atty. Mae Divinagracia ang depensa ng paggamit ng dilatory tactics matapos humingi si Lead Defense Counsel Atty. Sheila Sison ng karagdagang oras para suriin ang napakapal na financial spreadsheets.