Patuloy ang search and rescue operations ng mga awtoridad para sa isang pasaherong nawawala matapos tangayin ng malakas na agos ang isang pampasaherong jeepney sa Paninsingin River, sa Barangay Colongan, Rosario, Batangas.
Nangyari ang insidente bandang alas-5:30 ng hapon noong Oktubre 3 nang tangkain ng jeepney na tumawid sa spillway habang sakay ang 14 na katao. Dahil sa mabilis na agos, tinangay ang sasakyan at tuluyang lumubog sa ilog.
Labindalawang pasahero ang nakaligtas at nailigtas ng mga tauhan ng barangay matapos silang makalabas ng sasakyan at makarating sa mga bato. Agad din silang isinailalim sa medical assessment ng Philippine Coast Guard.
Samantala, narekober ng mga search and rescue team noong umaga ng Oktubre 4 ang katawan ng isa sa dalawang pasaherong inanod ng agos. Natagpuan ito sa river channel, na tinatayang tatlong kilometro ang layo mula sa lugar ng insidente.
Patuloy namang hinahanap ang isa pang nawawalang pasahero na si Rene Lesitonia, 44 na taong gulang, residente ng Barangay Mahanadiong, Taysan, Batangas, na huling nakita na nakasuot ng itim na printed shirt at royal blue na shorts.
















