-- Advertisements --

Muling iginiit ni Senate President Win Gatchalian ang agarang pagsasabatas ng panukalang GINHAWA upang makatulong na mapanatili ang kakayahan ng mga manggagawa na makabili ng pangangailangan habang patuloy na tumataas ang presyo ng langis.

Ayon kay Gatchalian, dagdag pasanin sa mga consumer ang panibagong oil price hikes, lalo na kung magpapatuloy ang tensyon sa Gitnang Silangan na maaaring magtulak pataas sa pandaigdigang presyo ng krudo.

Bukod sa direktang epekto sa mga motorista, sinabi niyang maaaring sumunod na tumaas ang presyo ng iba pang pangunahing bilihin at serbisyo, kabilang ang kuryente, dahil sa pagtaas ng gastos sa enerhiya.

“Kung magpapatuloy ang kaguluhan sa Gitnang Silangan, kailangan nating pabilisin ang pagsasakatuparan ng GINHAWA dahil ang mataas na presyo ng krudo ay lalong magpapahina sa purchasing power ng ating mga kababayan, lalo na ng mga minimum wage earners,” ani Gatchalian.

Sa Senate Bill No. 56 o Granting Increase in Take-Home Pay for All Working Filipinos Act, na tinawag na GINHAWA measure, iminungkahi ni Gatchalian na itaas ang income tax exemption threshold mula ₱250,000 tungong ₱400,000 na taunang kita.

Itinutulak din ng panukala na itaas mula ₱90,000 tungong ₱150,000 ang cap sa mga bonus na hindi saklaw ng buwis.

Layunin ng mga pagbabagong ito na madagdagan ang naiuuwing kinikita ng mga ordinaryong manggagawa, partikular sa panahon ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing gastusin.