Naging ‘exceptional’ muli ang resulta ng ikalawang polygraph test ni Rodulfo Gracioso Jr., ang nagpakilalang dating security aide ni former House Speaker Lord Allan Velasco.
Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, nagresulta sa ‘no deception indicated’ ang resulta ng ikalawang lie detector test ng dating pulis, tulad ng resuta ng kaniyang naunang polygraph test.
Nangangahulugan ito aniya na walang panloloko sa mga nilalaman ng kanyang affidavit na isinumite sa NBI noong September 14.
Sa naturang affidavit, isinalaysay ni Gracioso ang pagbibigay at paghahatid niya ng male-maletang pera sa pamilya Duterte sa utos ni dating Speaker Velasco.
Paliwanag ni Director Matibag, bagamat hindi magagamit sa korte ang resulta ng lie detector test, malaking bagay ito sa kanilang imbestigasyon dahil ito ang magpapakita ng kredibilidad ni Gracioso.
Sa kabilang banda, may ilang mga detalye lamang aniya sa affidavit ng dating pulis ang hindi tumutugma sa salaysay ng ilan sa nabigyan ng subpoena.
Gayonpaman, mahalaga pa rin aniya ang nilalaman ng sinumpaang salaysay ng dating security aide para sa nagpapatuloy na pagsisiyasat sa kaniyang mga isiniwalat kamakailan.
Kung babalikan ay nauna na ring inimbitahan ng NBI sina VP Sara Duterte, Davao City Rep. Paolo Duterte, at dating House Speaker Lord Allan Velasco para sa kani-kanilang mga paliwanag.















