Sinalakay ng mga awtoridad sa magkakaibang operasyon ang umano’y mga human trafficking at scam hub na kinasangkutan ng halos 200 na foreign nationals sa bayan ng Alicia at Siay sa Zamboanga Sibugay nitong Biyernes, Oktubre 2.
May posibilidad na ang ilang mga sangkot ay nakaranas din ng trafficking, exploitation, pamimilit, illegally recruited, at iba pang uri ng paglabag, ayon sa inisiyal na imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng Bureau of Immigration (BI) katuwang ang iba pang ahensiya.
Narekober ng awtoridad ang humigit-kumulang na 2,000 mobile phones, kabilang ang ilang mga computers, laptop, at iba pang gadgets. Iniimbestigahan na rin ng ahensiya ang posibilidad na ginamit ang mga ito sa umano’y pambibiktima at pangsa-scam.
Inaalam pa ng ahensiya, katuwang ang iba pang mga kaugnay na kagawaran, ang aktwal na bilang ng mga sangkot na foreign nationals at nationalities ng mga ito, gayundin ang iba pang marerekober na karagdagang ebidensiya.
Pinag-aaralan din ng awtoridad ang mga angkop na reklamong isasampa laban sa kanila.
















