Naging emosyonal si Senator-Judge Camille Villar habang nananawagan sa kanyang mga kasamahan na itigil ang pag-atake sa mga senador na hindi nakadadalo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa kanyang manifestation sa impeachment court, sinabi ni Villar na hindi naman sariling desisyon ng mga detained na senador ang kanilang hindi pagdalo sa proceedings.
Iginiit din ng senador na hindi dapat agad lagyan ng mabibigat na bansag ang kanyang mga kasamahan na wala sa trial, lalo na’t wala pa namang pinal na hatol laban sa kanila kaugnay ng mga kasong kinakaharap.
Binigyang-diin ni Villar na hindi dapat tawaging plunderer o magnanakaw ang mga senador na hindi pa naman napatutunayang nagkasala.
Bilang pinakabatang miyembro ng Senado, nanawagan si Villar sa kanyang mga kapwa senador na pairalin ang respeto sa isa’t isa at iwasan ang mga personal na pag-atake habang nagpapatuloy ang impeachment proceedings.
Ayon kay Villar, bilang mga senador ng Pilipinas, mahalagang maipakita rin nila ang respeto hindi lamang sa isa’t isa kundi maging sa mga Pilipinong kanilang kinakatawan.
















