Nanindigan si Senator-Judge Raffy Tulfo na dapat ay nag-divest na noon pa man si Vice President Sara Duterte sa kanyang mga business interest kasabay ng kanyang pag-upo sa ikalawang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan.
Ayon kay Tulfo, mismong sa isang sworn document ay inamin ng Bise Presidente na pagmamay-ari nila ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio ang naturang kumpanya.
Paliwanag ng senador, nagdudulot ito ng malaking usapin sa batas. Kung hindi umano inamin o idineklara ni Duterte ang kanyang pagmamay-ari sa kumpanya, maaari itong maging usapin ng non-declaration sa kanyang mga legal na dokumento.
Sa kabilang banda, kung idineklara naman niya ito, maaari naman itong maging tahasang paglabag sa Article VII, Section 13 ng 1987 Constitution, na malinaw na nagbabawal sa Pangulo, Bise Presidente, at mga miyembro ng Gabinete na makilahok sa anumang negosyo habang nanunungkulan.
Dahil dito, giit ng mambabatas, nakapagtataka kung bakit wala man lang sa mga legal advisor o abogado ni Duterte ang nakapagpayo sa kanya na kailangan niyang mag-divest ng kanyang mga ari-arian at negosyo upang makaiwas sa paglabag sa Saligang Batas.
















