Pumalo sa panibagong rekord na 107,677 ang bilang ng mga indibidwal na may edad 100 pataas sa Japan ngayong taon, ayon sa Ministry of Health, Labour and Welfare.
Ito na ang ika-56 na sunod-sunod na taon ng pagtaas sa bilang ng mga centenarian sa bansa, kung saan halos 88 porsyento sa kanila ay mga kababaihan.
Ipinagmamalaki ng pamahalaan ang mahabang buhay ng kanilang mamamayan na idinulot ng maunlad na medikasyon, masustansyang pagkain, at aktibong pamumuhay.
Gayunpaman, patuloy na lumalala ang krisis sa demograpiya ng Japan dahil sa mabilis na pagtanda ng populasyon kasabay ng pagbagsak ng birth rate sa pinakamababang antas.
Sa kasalukuyan, halos tatlo sa bawat sampung residente sa Japan ay may edad 65 pataas, at tinatayang aabot pa ito sa 40 porsyento pagdating ng taong 2070.
Nagdudulot ito ng malaking hamon sa ekonomiya dahil sa kakulangan sa mga manggagawa na nagpopondo sa pension, kalusugan, at mga serbisyong panlipunan ng mga nakatatanda.
Bagaman nagpapatupad ang pamahalaan ng mga insentibo at tulong-pinansyal para sa mga pamilya, nananatiling banta sa pundasyong pangkabuhayan ng Japan ang patuloy na pagliit ng populasyon nito.















