-- Advertisements --

Target ng Marcos administration na mabakunahan kontra COVID-19 ang 90% ng senior citizens sa bansa sa unang 100 araw ng termino ni Pangulong Bongbong Marcos.

Ayon kay Department of Health officer in charge Maria Rosario Vergeire, una aniya ito sa marching orders ng pangulo sa kagawaran.

Pangalawa ay maabot ang coverage na 50% ng eligible population na mabakunahan ng booster dose at paiigtingin pa na mailapit sa mga komunidad ang pagbabakuna kontra sa covid-19.

Saad pa ng DOH offcial na plano rin na gumawa ng settings na pangmalawakang pagbabakuna para makatulong din ang ibang ahensiya.

Isa dito ang paglalagay ng vaccination sites sa mga paaralan sa tulong ng Department of Education at ng Commission on Higher Education.

Gayundin, maglalagay ng vaccination sites sa simbahan, palengke, malls at sa mga komunidad sa pakikipagtulungan sa Department of the Interior and Local government (DILG).

Bukod dito, ayon kay Vergeire makikipagtulungan din ang Department of Transportation (DOTr) para sa paglalagay ng vaccination areas sa mga bus terminals at istasyon ng tren.

Kaugnay nito, hinimok din ng opisyal ang publiko na manatiling maingat sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa pamamagitan ng pagpapaturok ng booster doses sa mga eligible na at ipagpatuloy pa rin ang pagsunod sa minimum public health standards.

Sa datos noong July 12, kabuuang 71 million Pilipino na ang fully vaccinated kontra sa COVID-19 habang nasa 15.3 million pa lamang ang nabakunahan ng booster dose.