-- Advertisements --

Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na patuloy pa rin itong nakakatanggap ng mga ulat hinggil sa mga insidente ng mga nasasawi at nasugatan nang dahil sa epekto ng pagtama ng magnitude 6.8 na lindol sa Sarangani, Davao Occidental.

Batay sa pinakahuling ulat na inilabas ng NDRRMC, umakyat na sa siyam ang bilang ng mga indibidwal na napaulat na nasawi sa nasbaing lugar habang aabot naman sa 30 ang bilang ng mga indibidwal na nagtamo ng pinsala.

Mula sa naturang bilang ng mga nasawi, isa ang kumpirmadong patay habang walo naman ang nananatiling isinasailalim sa berepikasyon ng ahensya.

Habang apat naman ang kumpirmadong nasaktan, at 26 naman ang kasalukuyan pa rin bineberipika.

Samantala, bukod dito ay pumalo na sa kabuuang 16,872 na mga pamilya o 81,664 na mga indibidwal na ang apektado ng nangyaring pagyanig.

Kaugnay nito ay iniulat din ng NDRRMC na sa ngayon ay pumalo na rin sa Php31,304,403.25 na katumbas na halagang naipaabot na ng pamahalaan para sa mga naapektuhan ng naturang malakas na lindol na tumama sa nasabing lugar.