-- Advertisements --
MAKATI SPUTNIKV CHRISTIAN BOMBO 2

MANILA – Sinimulan na ng lungsod ng Makati ang pagtuturok ng COVID-19 vaccines na gawang Russia na Sputnik V.

Nakatanggap ng 3,000 doses ng naturang bakuna ang local government unit ng Makati City kahapon. Bahagi ito ng dumating na inisyal na 15,000 doses noong Sabado.

Ayon kay Dr. Roland Unson, deputy incident commander ng Makati Incident Command Post, target nilang makapag-bakuna sa 800 indibidwal ngayong araw gamit ang Sputnik V.

Kabilang ang Makati City sa limang lungsod sa National Capital Region (NCR) na unang nakatanggap ng doses ng Russian vaccine.

Kasama nilang nabigyan ng supply ang Maynila, Taguig, Parañaque, at Muntinlupa City.

“Base on storage capability, sila yung unang limang LGU na nag-undergo ng training. Kasi hindi siya ganong kasimpleng i-administer, hindi tulad ng Sinovac at AstraZeneca, na wala ng step, paglabas ng bakuna makukuha agad,” ani National Task Force against COVID-19 deputy chief implementer Sec. Vince Dizon.

“Ito (Sputnik V) kailangan i-store ng minus 20 (degree), paglabas ng bakuna, frozen sya. At yung lalagyan niya ampoule. Medyo komplikado at may kailangang time and motion na kailangan i-follow,” dagdag ng opisyal.

Nasa Makati City Hall ang central cold storage facility ng lungsod, pero mayroon ding cold storage na pasilidad sa Makati Coliseum vaccination site kung saan iniro-rolyo ang Sputnik V.

Paliwanag ni Dr. Unson, kailangang maiturok agad ang bakuna sa loob ng 30-minuto hanggang dalawang oras mula sa pagkakahango nito sa cold storage para hindi masira.

Batay sa datos ng Makati LGU, nasa higit 36,000 na residente na ang kanilang nabakunahan laban sa COVID.

Sa ngayon mayroon pa raw natitirang supply ng first dose ng Sinovac ang lungsod, kaya pwedeng makapili ng vaccine brand ang mga magpapabakuna.

Nitong araw inirolyo na rin ang Sputnik V sa vaccination sites ng Sta. Ana Hospital, Ospital ng Maynila, at Ayala Malls Manila Bay.

Samantalang kakatanggap pa lang ng Lakeshore Vaccination Hub, Ospital ng Muntinlupa, at Asian Hospital and Medical Center ng kanilang supply sa Russian vaccine.

Ayon kay Dizon, may 485,000 doses ng Sputnik V na inaasahang darating sa bansa ngayong buwan. Aabot naman sa 10-million doses ng naturang bakuna ang target umanong bilhin ng pamahalaan sa Russia.