-- Advertisements --

Muling nagpa-alala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga pampubliko at pribadong tanggapan na patuloy na pairalin ang minimum health protocol laban sa COVID-19 pandemic.

Kasunod ito ng lumabas na resulta ng pag-aaral na 80 porsyento ng mga establisyemento sa bansa ay hindi tumatalima sa mga kinakailangang pag-iingat.

Ayon kay Labor Usec. Benjo Benavidez, maraming lumalabag sa occupational health at safety standards ng DOLE mula sa urban areas.

Kasama sa violations ang distancing, kawalan ng contact tracing facilities, kakulangan ng kagamitan sa pag-disinfect ng mga pumapasok na tao at regular na paglilinis sa lugar na pinatatrabahuhan.

May mga natukoy ding lumalabag sa age protocol, kung saan ang mga bata na mas mababa sa 18 taong gulang ang nagtutungo pa sa mga establisyemento, pati na ang mga may edad na 60 pataas ang pumapasok sa working area.

Ang mga mapapatunayang paulit-ulit na lumalabag ay maaari umanong patawan ng kaukulang parusa, katulad ng pagpapasara.