-- Advertisements --

KALIBO CITY – Arestado ang pitong turista matapos mag-presenta ng umano’y pekeng COVID-19 test pagdating ng Boracay island.

Ayon kay P/Lt. Col. Don Dicksie de Dios, hepe ng Malay Municipal Police Station, nahuli ang mga indibidwal matapos madiskubre ng validation team na peke ang mga ginamit nilang RT-PCR test result.

Pare-parehong taga-NCR Plus ang mga naaresto. Dumating sila ng Boracay nitong Biyernes, June 4.

Agad dinala ang grupo sa quarantine facility sa bayan ng Kalibo at nakatakdang isailalim sa RT-PCR test.

Pauuwiin daw ang mga ito kapag nag-negatibo sila sa COVID-19 test.

Nakatakda naman silang sampahan ng paglabag sa Republic Act No. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act at Falsification of Document’s.

Noong June 1 nang buksan muli sa mga turista na galing ng NCR Plus ang Boracay.

Batay sa record ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)-Aklan, pitong flight ang dumating sa Caticlan Airport nitong Biyernes lulan ang 718 turista na papuntang isla. -CJY