-- Advertisements --
bar8

Pito katao ang naiulat na nasugatan sa nangyaring pamamaril sa Sitio territory Bacolod, Barangay China Town, Malabang, Lanao del Sur nitong nakalipas na April 17, Easter Sunday.

Ayon kay PNP PRO-BAR regional director, B/Gen. Arthur Cabalona, nangyari ang insidente bandang alas-9:15 ng gabi noong Linggo kung saan nagkaroon ng indiscriminate firing na sinundan ng sunud-sunod na mga putok ng baril bandang alas-11:50 ng gabi.

Dahil sa insidente, kaagad rumisponde ang mga tauhan ng Malabang Municipal Police Station, Marine Batallion Landing Team-2, at 2nd PMFC para tukuyin sino ang responsable at para maaresto ang mga ito.

Kasalukuyang ginagamot naman sa Amai Pakpak Medical Center (AMPC) ang pitong sugatan na nagtamo ng mga minor injuries dahil sa mga shrapnels.

bar9

Sinabi ni Cabalona, isang malalimang imbestigasyon ang kanilang isinasagawa ngayon upang matukoy ang mga salarin.

“Nagtalaga na rin ang PRO BAR ng mga kapulisan upang bantayan ang seguridad sa Malabang at nakipag-coordinate na rin tayo sa MBLT-2 para masiguro ang mas malawak na seguridad para sa ating mga kababayan,” mensahe pa ni BGen. Cabalona.

Mas lalo pang pinaigting ng PNP sa Bangsamoro Autonomous Region (BAR) ang kanilang Comelec checkpoints, police patrol at police visibilities sa nasabing bayan.

Ang bayan ng Malabang ang isa sa dalawang lugar sa Lanao del Sur na isinailalim na ngayon sa Comelec control dahil sa presensiya ng mga local terrorists group.