Kinondena ng Philippine National Police (PNP) ang pananakit sa pitong pulis matapos ang insidente ng girian sa isang rally sa Maynila ngayong Labor Day.
Ayon kay PNP spokesperson PBGen. Randulf Tuaño, kabilang sa inireklamo ang pananakit at pagnanakaw ng cellphone mula sa mga tauhan ng kapulisan. Aniya, iimbestigahan ang insidente at papanagutin ang mga sangkot.
“Ngayon po, medyo nang labis po dahil may panununtok na, may pangahampas ng kawayan sa ulo. Sugatan po ang ating pulis at yung cellphone po ay nahablot,” saad ni Tuaño.
Isa sa mga tinukoy na suspek ay isang raliyista na umano’y biglang nanuntok sa isang pulis, na nagresulta sa skull at wrist injury. Siya rin umano ang sangkot sa pagkuha ng cellphone ng isa pang pulis.
Sinabi ni Tuaño na hihintayin munang matapos ang aktibidad bago magsagawa ng pormal na hakbang at pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot.
Inalmahan naman ng Kilusang Mayo Uno ang naging paratang ng PNP.
“Malinaw naman na hindi kami ang nanguna sa gulo. Pero sinasabing nila nanuntok, wala kaming sinusuntok ng mga pulis dyan dahil sila pangunahin yung nagugulo sa aming araw na ito ng pagawa,” pahayag ni KMU Vice Chair Lito Luces.
Sa kabila ng insidente, sinabi ng PNP na sa pangkalahatan ay naging mapayapa ang mga isinagawang rally sa Maynila at naipatupad ng kapulisan ang maximum tolerance sa buong operasyon.
















