
Pinaiimbestigahan ngayon ni PNP chief Gen. Debold Sinas ang pitong pulis ng Binangonan, Rizal dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa extortion activities.
Inatasan na rin ni PNP chief si Calabarzon regional police director B/Gen. Felipe Natividad na magsagawa ng malalimang imbestigasyon.
Kasama sa pinaiimbestigahan ni Sinas si Lt Col. Ferdinand Ancheta ang hepe ng Binangonan PNP dahil sa command responsibility.
Nakumpirma na sangkot sa extortion activities ang ilan sa kaniyang mga tauhan sa isinagawang entrapment operation noong Martes ng mga tauhan ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG).
Binigyang-diin ni Sinas na hindi niya ito palalagpasin at mananagot ang mga pulis na sangkot dito.
Sa naturang operasyon ng PNP IMEG kanilang naaresto ang dalawang indibidwal na nakilalang sina Albert Domingo alias Joel at Pablo Dolfo, mga civilian assets ng Binangonan Police Station.
Tinukoy ng IMEG na ang dalawa ang siyang nasa likod sa pag-extort ng pera sa isang Stephen Kellu kapalit sa na-impound na motor vehicle.
Ayon kay IMEG director Col. Thomas Frias, kanila ring nadiskubre sa nasabing operasyon na isang person under police custody na nakilalang si Police Corporal Archieval Perez na nahaharap sa kasong infidelity na wala namang piyansa na inirekomenda ay wala sa loob ng kulungan.
Ito raw ang siyang nagsilbing lookout sa nangyaring extortion pay-off gamit ang dalawang cellphone.
Anim pang police personnel ng Binanongan Police ang tinukoy ng biktima na sangkot sa extortion.
Ang mga nasabing pulis ay nakilalang sina, PSMS Randy Andanar, PSSG Joel Acosta, PSSG Joe Sevillena, PCPL Allan Alvarez, PCPL Marson Tayaban at PCPL Ew Armenis.










