-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Minasaker at hindi umano nanlaban ang pitong katao sa isinagawang law enforcement operation ng mga pulis sa lalawigan ng Maguindanao.

Ito ang naging kwento ni Ruwela Utto, isa mga kamag-anak ng mga nasawi.

Una rito, napatay sa raid ng pulisya sina Turkey Utto Latip, wanted sa kasong frustrated murder; Katindig Mustapha, robbery with homicide, at mga kasama nito na sina Baldo Kalipa, Haron Akmad, Ali Kalipa, Ketun Latip at Omar Salangay.

Sinabi na rin ni Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) regional director B/Gen. Arthur Cabalona na magsisilbi lamang ng warrant of arrest ang pinagsanib na pwersa ng CIDG-BAR, Regional Mobile Force Battalion (RMFB-14) katuwang ang militar laban sa mga suspek sa Barangay Mileb, Rajah Buayan, Maguindanao.

Papasok pa lamang ang raiding team sa kanilang target ay pinaputukan umano sila ng grupo ni Kumander Torque.

Napilitang gumanti ng putok ang mga pulis at sundalo kaya nasawi ang pito sa mga suspek, kabilang na ang limang nahuli.

Nakuha sa posisyon ng mga napatay at naaresto ang siyam na mga matataas na uri ng armas, mga bala, magasin, mga pampasabog at mga personal na kagamitan.

Dagdag ni Utto na tulog ang kanyang mga kamag-anak nang mangyari ang operasyon at walang awa itong pinagbabaril na agad namang pinabulaanan ng PRO-BAR.

Sa ngayon ay naghahanda na ang pamilya ng mga nasawi na magsampa ng reklamo sa Commission on Human Rights.