-- Advertisements --

Aabot sa pitong katao ang nasawi matapos gumuho ang isang walong talampakang pader sa loob ng isang hospital complex sa Bengaluru, India.

Kabilang sa mga nasawi ang isang bata, apat na street vendor, at dalawa pang indibidwal mula sa Kerala, ayon kay D. K. Shivakumar.

Tinawag namang “unfortunate” ni Indian Prime Minister Narendra Modi ang insidente sa isang pahayag sa social media.

Tatlo pang katao ang nasugatan at kasalukuyang ginagamot sa ospital.

Ayon sa mga ulat, isang babaeng sugatan ang isinailalim sa karagdagang pagsusuri matapos mabigyan ng paunang lunas.

Nabatid na nagkaroon ng biglaang pagbabago sa panahon sa lungsod matapos ang ilang linggong matinding init at mataas na humidity. Naranasan ang malakas na ulan, bugso ng hangin, at pag-ulan ng yelo sa ilang bahagi ng Karnataka, na posibleng nakaambag sa insidente.

Bagama’t nagdulot ng panandaliang ginhawa mula sa init ang pag-ulan, nagresulta rin ito sa mga aberya tulad ng pagbaha at pagbagsak ng mga puno sa iba’t ibang lugar sa lungsod.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng pagbagsak ng pader habang sinusuri ang kabuuang pinsala dulot ng masamang panahon.