Pitong mambabatas ang bumutong hindi pabor na nagpapapatawag ng Constitutional Convention para repasuhin ang 1987 Constitution.
Inaprubahan na ng Kamara sa 3rd and final reading ang House Bill 7352 o ang “implementing bill” ng Resolution of Both Houses no. 6.
Kaniya kaniyang paliwanag ang pitong mambabatas na tutol sa Con-Con Bill ito ay sina Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado; Rep. Arlene Brosas; Rep. France Castro; Rep. Edcel Lagman; Rep. Raoul Manuel; Rep. Mujiv Hataman at Rep. Paolo Duterte.
Sa panig ni Camarines Sur Rep Gabriel Bordado, kaniyang sinabi na hindi ito ang tamang panahon na isulong pag amyenda sa Saligang Batas gayong malaking pondo ang gugugulin ng gobyerno para dito gayong nasa krisis pa ang bansa lalo at mataas para rin ang inflation.
Sinabi ni Bordado na ang perang gagamitin sa pag amyenda sa 1987 Constitution ay gamitin na lamang sa mga makabuluhang proyekto na ang makikinabang ay ang mga mahihirap nating mga kababayan.
Sa panig naman ni Gabriela Party List Rep. Arlene Brosas na lubhang mapanganib ang Con-Con dahil ipaubaya sa mahigit 300 delegates ang pagbabago sa Saligang Batas na hindi nalilimita lamang sa economic provisions ng saligang batas.
Nasa P9.5 billion ang gagastusin ng pamahalaan kasama na dito ang P10,000 per diem per day sa bawat delegado.
Dagdag pa ni Brosas na malinaw ang pahayag ng sponsor ng nasabing panukala na walang humahadlang sa mga delegado na pag usapan maging ang term limits ng mga opisyal, porma ng gobyerno, probisyon sa martial law at iba pa.
Samantala, mismong si House Speaker Martin Romualdez ang nanguna sa botohan kahapon.
Nakasaad sa panukala na “Hybrid Con-Con” ang gagawin, at mga delagado ay bubuuin ng higit 300 miyembro kung saan nasa mayorya ay elected habang ang 20% ng kabuuang bilang ng mga delegado ay appointed o itatalaga ng Senate Pres. At House Speaker.
Ang eleksyon ng mga delegado ay gagawin sa huling Lunes ng Oct. 2023 kasabay ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections.
Ang termino ng mga delegado ay mula Dec. 2023 hanggang June 30, 2024.
Isasagawa naman ang convention sa Philippine International Convention Center o PICC, sa Dec. 1, 2023 at hindi na sa session hall ng Batasan Pambansa.
Ipinunto ni Speaker na layon ng House constitutional reform initiative na rebisahin ang “restrictive” economic provisions ng Constitution ng sa gayon lalo pang makapanghikayat ang bansa ng mas maraming foreign investments.
Sabi pa ni Speaker kailangan ng bansa mg foreign capital para magkaroon ng maraming trabaho at job opportunities para sa mga Pilipino.
Kapag marami ang investment siguradong lalakas ang paglago ng ekonomiya ng bansa.