Nagpaliwanag ang National Irrigation Administration (NIA) sa pagbukas sa mga gates ng Magat Dam noong nakaraang linggo, na sinasabing sanhi ng pagbaha sa lalawigan ng Cagayan at Isabela.
Ayon kay NIA administrator Ricardo Visaya, kinailangan buksan ang gates ng Magat Dam simula noong nakaraang linggo sa gitna ng matinding buhos ng ulan dahil sa Bagyong Ulysses upang sa gayon ay maiwasan na mawasak ang dam at magdulot pa ng mas matinding problema.
Sinabi ni Visaya na ang laki ng reservoir ng Magat Dam ay humigit kumulang 4,800 hectares kaya kapag mawasak ito dahil sa lumampas sa spilling level na 193 meters above mean sea level ay milyon-milyong katao ang maapektuhan.
Mababatid na noong Nobyembre 12 ay binuksan ang pitong gates ng Magat Dam para magpakawala ng volume ng tubig na katumbas sa 106.223 Olympic-sized swimming pools, o nasa dalawang swimming pools kada segundo.
Ayon kay Visaya, ang tubig na napupunta sa Magat Dam ay nanggagaling sa walong water tributaries mula sa Ifugao at Nueva Vizcaya, kaya kahit hindi direktang tumama ang Bagyong Ulysses sa Magat Dam area ay patuloy na pumapasok ang tubig sa reservoir.