-- Advertisements --

Ibinida ng Armed Forces of the Philippines ang naging tagumpay nito laban sa mga teroristang grupo sa Pilipinas sa katatapos lamang na taong 2023.

Ito ay matapos ang matagumpay pagkakanutralisa ng kasundaluhan sa kabuuang 67 high value individuals na pawang mga miyembro ng mga communist at local terrorist groups sa bansa sa nakalipas na taon sa gitna ng tuluy-tuloy na mas pinaigting na operasyon ng kasundaluhan.

Sa ulat na inilabas ni AFP Public Affairs Office chief, Col. Xerxes Trinidad, kabilang sa mga napatay ng mga tropa ng militar ay ang mga top leader ng teroristang grupo na kinlalang sina:

-Dionisio Macabalo a.k.a Muling/Kardo na nagsilbing Secretary ng North Central Mindanao Regional Committee

– Farahudin Pumbaya Pangalian a.k.a. Abu Zacharia na amir ng Daulah-Islamiya Philippines at overall Amir ng Islamic State-East Asia.

Sa nakalipas na taong 2023 ay aabot din sa kabuuang 1,399 na mga miyembro ng communist and local terrorist groups ang napatahimik ng AFP, habang nasa 1,751 na mga dekalibreng armas naman ang narekober ng militar mula sa mga ito.

Samantala, kasunod ng tagumpay na ito ng kasundaluhan ay nagpahayag naman ng kumpiyansa ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na ito ay magpapahina sa kakayahan ng mga natitirang teroristang grupo sa bansa na magsagawa pa ng mga pag-atake laban sa mga miyembro ng kasundaluhan, komunidad, at maging sa pamahalaan. // a,rs