-- Advertisements --

Nasa apat na porsiyento pa lang ng mga residente ng Metro Manila ang nabakunahan na kontra COVID-19 sa nakalipas na tatlong buwan magmula nang sinimulan ng pamahalaan ang inoculation program nito.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chair Benhur Abalos, sa 14 million katao sa National Capital Region ay 600,000 pa lang dito ang fully vaccinated na sa COVID-19, habang 1.6 million naman ang nakatanggap ng kanilang first dose.

Nabatid na aabot sa 9.8 million o 70 percent ng populasyon sa Metro Manil ang kailangan na mabakunahan para makamit ang inaasam na herd immunity.

Hanggang kahapon, Hunyo 6, 2021 aabot sa 10,621 ang active cases ng COVID-19 sa Metro Manila, dahilan para ituring pa rin ang NCR bilang epicenter ng virus sa Pilipinas.

Nauna nang sinabi ng mga opisyal ng pamahalaan na inaasahan nila na makamit sa Nobyembre 21 ang herd immunity sa NCR at walong iba pang mga probinsya.