NAGA CITY – Sugatan ang anim katao matapos makabangga ang isang motorsiklo sa isa pang motorsiklo sa Candelaria, Quezon.
Kinilala ang mga nasugatan na sina Augusto Landicho, 35-anyos; Jonathan Andal, 25-anyos; Arvie Valenzuela, 24-anyos; Jessica Valenzuela, 22-anyos; Kiersedrick Bait, 20-anyos at isang 9-anyos na batang lalaki.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ni Landicho ang kahabaan ng Candelaria Town Proper gamit ang motorsiklo kasama ang kaniyan tatlong backrider na sina Arvie, Jessica at ang 9-anyos na bata nang bigla na lamang itong makabangga sa isang motorsiklo na minamaneho naman ni Andal kasama ang backrider na si Bait.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman pa na dahil sa insidente, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang dalawang driver gayundin ang kanilang mga backriders na agad namang dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.