-- Advertisements --

zambales1

Kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 at RA 10591 ang kakaharapin ng mga suspek na pinaniniwalaang miyembro ng Buelo drug group na naaresto ng mga otoridad.

Ito ay sa kaugnay sa buy bust operations ng mga tauhan ng Zambales-Philippine National Police (PNP) bandang alas-12:05 ng madaling-araw kahapon sa may Gomez Compound, Purok 4, Barangay Sta Barbara, Iba, Zambales.

Bumili ang isang agent ng isang sachet ng umano’y shabu sa suspek na nagngangalang Reynante Patano.

Nagkakahalaga ito ng P1,000 at sa follow-up operations ay dito na sinalakay ng mga operatiba ang drug den ng grupo kung saan naaktuhan ang mga ito na humihithit ng iligal na droga.

Ayon kay Zambales police provincial director, Col. Romano Cardino, si Patano ay isa sa “high-value target individual and hard-core member” ng Buela drug group na kumikilos sa Zambales.

Nadakip din ang lima pang kasamahan ni Patano na nakilalang sina: Mark Kevin Calimlim, Romnic Gomez, Arturo Gomez na siyang may-ari ng compound at operator ng drug den; Prima Sumanpil residente ng Zamboanga City; at Ronielyn Soriano.

Nakumpiska sa posisyon ng mga suspek ang isang piraso heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu, P1,000 buy bust money, 22 pirasong plastic sachet na naglalaman ng P50,000 na shabu, used foil, drug paraphernalia, baril, at 50 piraso live ammunitions ng cal. .22.