BOMBO DAGUPAN- Natagpuang wala ng buhay ang isang 51 anyos na ginang matapos itong magbigti sa loob ng kanilang bahay gamit ang isang lubid na nylon sa bayan ng Agno.
Kinilala ang biktima na si Rowena Aspa Carreon, 51-anyos, residente ng Sitio Narra, brgy. Siapar sa nasabing bayan.
Ayon kay Police staff sergeant general Maximiano Untalan Jr., investigator ng Anda Municipal Police Station, pagkatapos mananghalian ng mag-asawa dakong ala-1, umalis ang asawa ng biktima na si Virgilio Carido Carreon, 56-anyos, upang magtungo sa kanilang fish cage para magpakain ng bangus.
Subalit pag-uwi nito sa kanilang bahay ay natagpuan na lamang ang kanyang asawa na nakabigti sa kanilang kwarto gamit ang isang lubid na nylon.
Pagsasaad pa nito, bago ito nagpakamatay ay dalawang linggo nang may dinadamdam na sakit ang ginang, bumalik naman anya ang sigla nito at balak pa sanang dalhin sa hospital upang magpacheck up, ngunit sa kasamaang palad ay naganap ang hindi inaasahang pangyayari.
Sinubukan pang dalhin ang biktima sa pinakamalapit na hospital, ngunit ideneklara na itong dead on arrival.
Wala namang nakikitang foul play ang mga otoridad sa nangyaring insidente.
Samantala, wala na ring buhay nang matagpuan ang katawan ng isang 56-taong gulang na lalaki sa bahagi ng isang farm sa bayan ng Agno.
Kinilala naman ang biktima na si Rolendo Nacino Rosete, 56-anyos at residente ng zone 6 brgy. Viga sa naturang bayan.
Ayon kay PCPT. Esteban Fernandez II, officer in charge ng Agno Muncipal Station, nagtungo ang biktima sa kanyang bukid na tinatayang 700 metro ang layo mula sa bahay ng biktima ngunit hindi na ito nakabalik sa kaniyang bahay.
Nadiskubre naman ang katawan ng biktima ng dalawang indibidwal na nakatira malapit sa naturang lugar.
Napag-alaman naman na ang naging sanhi ng pagkamatay ng biktima ay heart attack at walang kahit anumang foul play ang nangyari.