CEBU – Mahigpit na seguridad ang ipinapatupad sa Mactan Shrine na siyang venue ng espesyal na aktibidad para sa ika-500 taon ng “Kadaugan sa Mactan” ngayong araw, Abril 27.
Sa nasabing event ay tinutugaygayan ng mga Pilipino ang re-enactment sa laban nina Datu Lapu-Lapu at Ferdinand Magellan noong 1521.
Ngayong umaga ginawa ang unveiling ng historical marker ni Datu Lapu-Lapu na pinangunahan ng National Historical Commission of the Philippines, National Quincentennial Commitee at ng Lapu-Lapu City Government kabilang na ang mga mahalagang bisita sa lungsod.
Inaabangan na rin ang military parade at ang humble homage ng Armed Forces of the Philippines kay Lapu-Lapu.
Pagsapit ng gabi, masasaksihan ang cultural show kung saan magsilbing host si 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray.
Una nang inagurahan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang Museo Sugbo na bahagi ng 500 years celebration ng circumnavigation sa mundo.
Isa rito ay ang pagbubukas ng Philippine Quincentennial Museum ngayong araw na matatagpuan sa Museo Sugbo sa Lungsod ng Cebu.
Pinangunahan ito ni NHCP Chairman Rene Escalante, katuwang ang Cebu Provincial Government sa pamamagitan ni Governor Gwendolyn Garcia at ibang opisyal sa Cebu City at mga Ambassadors to the Philippines.
Bida sa museo ang mga exhibit na nagpapakita ng makulay na kasaysayan ng bansa bago pa lumusob ang mga Espanyol.
Kaugnay sa espesyal na event ngayong araw, binabantayan din ng mga kinauukulang ahensiya ang ilan sa mga sasaksi sa aktibidad upang masunod ang health protocols laban sa coronavirus.
Una nito, hinikayat ni Lapu-Lapu City Mayor Junard “Ahong” Chan ang publiko na manood na lang sa livestream sa official Facebook pages sa lungsod para sa “Kadaugan sa Mactan.”
Bukod sa mga local officials, inasahan ang pagdalo ng ilang mga mahahalagang opisyal gaya ni Executive Secretary Salvador Medialdea bilang kinatawan ng Malakanyang kabilang na ang presensiya ni Senator “Bong” Go.
















