ILOILO CITY – Magdadala ng 50,000 doses ng Sinovac vaccine si Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque sa nakatakdang pagpunta sa Iloilo City.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Roque, sinabi nito na kasama niya sa pagdating sa lungsod si Health Undersecretary Dr. Leopoldo Vega.
Ayon kay Roque, maglilibot sila ni Dr. Vega sa mga ospital sa lungsod.
Tiniyak ng kalihim na hindi papabayaan ang Iloilo City lalo’t ang kanyang ina ay mula sa distrito ng Jaro sa lungsod.
Samantala sa panayam naman kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na personal na tumawag sa kanya si Roque at National Task Force against Coronavirus Disease (COVID) Chief Implementer/Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., hinggil sa nakatakdang pagbisita sa susunod na linggo.
Layunin ng mga ito na tumulong na hanapan ng solusyon ang mga problemang kinakaharap ng lungsod katulad ng kakulangan sa COVID-19 vaccines, equipment sa mga ospital, medical personnel, mga gamot at ang utang ng PhilHealth sa mga ospital at sa Uswag Molecular Laboratory.
Pahayag ng alkalde, titingnan pa nito kung tutuparin nina Roque at Galvez ang kanilang pangako kapag nagkaharap na ang mga ito.
Kung maaalala, nagkasagutan sina Roque at Treñas matapos hindi nagustuhan ng alkalde ang naging sagot nito ng humingi siya ng dagdag na bakuna kasunod ng patuloy na paglobo ng COVID-19 cases sa lungsod.