-- Advertisements --

Iniulat ng police chief ng Iran na si Ahmadreza Radan noong Linggo (araw sa Iran) na 500 katao ang kanilang inaresto dahil sa umano’y pagbibigay ng impormasyon sa Israel habang nagpapatuloy ang labanan sa rehiyon.

Ayon kay Radan, kalahati sa mga kasong ito ay may kinalaman sa seryosong insidente, tulad ng mga taong nagbigay ng lokasyon para sa mga posibleng target, kumuha ng mga footage ng mga lugar ng air strike at ipinadala sa iba.

Hindi naman tinukoy ng Iran’s police chief kung kailan eksaktong nangyari ang mga pag-aresto.

Kinumpirma naman ng semi-official na Tasnim News Agency na 20 katao ang mga inaresto dahil sa pagpapadala umano ng impormasyon sa Israel tungkol sa military at security assets ng Iran.

Sa northeastern Iran, 10 katao rin ang inaresto dahil sa pagkuha ng impormasyon sa sensitibong lokasyon at imprastraktura ng military assets ng bansa habang sa Lorestan province, tatlong katao ang nadakip dahil sa pagsusulong umano ng kaguluhan at pagsunog ng mourning symbols.

Ayon sa isang sangay ng Revolutionary Guards’ intelligence, sinasabing ginagamit ng Israel at U.S. ang mga “mercenaries at spies” upang magdulot ng kaguluhan habang nagpapatuloy ang labanan sa rehiyon.

Ayon pa sa ulat na nagsimula nang targetin ng Israel ang mga security checkpoints base sa impormasyon mula sa mga informant, bilang bagong yugto ng kanilang operasyon sa Iran.

Noong Enero, ilang linggo bago ang ginawang pag-atake ng Amerika at Israel, nagkaroon ng malawakang anti-government protests sa Iran kung saan libo-libo ang mga nasawi sa kasaysayan ng Islamic Republic.

Pinagbintangan noon ng mga awtoridad ang Israel at Estados Unidos na nagpapasimula umano ng mga riot upang pabagsakin ang clerical establishment ng bansa.