-- Advertisements --

Isinusulong ni Ombudsman Samuel Martires na mapatawan ng mas mahigpit na parusa ang sinumang magkokomento sa statements of assests, liabilities and net worth (SALNs) ng mga government officials at employees.

Sa pagdinig ng House committee on appropriations sa proposed P3.967 billion 2022 budget ng Office of the Ombudsman kahapon, sinabi ni Martires na iminumungkahi niyang makulong ng hindi bababa sa limang taon ang sinumang gagamit ng SALN bilang armas para sirain ang reputasyon ng isang indibidwal.

Ginawa ito ni Martires matapos na singilin ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate sa kung kailan mailalabas ang SALN ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ipinagtataka naman ni Martires kung bakit masyado raw interesado ang publiko sa SALN ng Pangulo at ng Bise Presidente, pati na rin iyong sa ibang mga opisyal ng pamahalaan.

Ayon kay Maritres, na nagretiro ng maaga bilang Supreme Court Justice para pumalit kay Ombudsman Conchita Carpio Morales tatlong taon na ang nakararaan, dapat maamiyendahan na ang Republic Act No. 6713, o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, upang sa gayon ay mapalakas ang ngipin ng mga restrictions sa SALN.

Malinaw rin aniyang nakasaad sa Republic Act No. 6713 na ang SALN ay para lamang sa publication ay hindi sa anumang commentary.

Magugunita na Setyembre 2020 nang inilabas ni Martires ang Memorandum Ciruclar No. 1 na nagbibigay ng restrictions sa release ng SALNs.

Maari lamang aniyang mailabas ang naturang dokumento kung manggagaling sa isang government official ang request, o sa kanyang official representative na naghain nito; kung ito ay ipinag-utos ng korte para gamitin sa nakabinbin na kaso; at kung ito ay bahagi ng fact-finding probe ng Office of the Ombudsman.

Nabatid na mula noong 2018 ay hindi inilalabas ni Pangulong Duterte ang kanyang SALN, na ayon kay presidential spokesperson Harry Roque ay dipende sa desisyon naman ng Ombudsman.