MANILA – Na-rescue ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang limang pasahero ng isang lumubog na bangka sa City of Mati, Davao Oriental.
Batay sa report ng Mati City Disaster Risk Reduction and Management Office, papunta sana sa bayan ng Lupon ang mga pasahero nang hagupitin ng malalaking alon ang bangka na kanilang sinasakyan.
Pasado alas-3:00 ng hapon nang maglayag mula sa Pujada Island ang bangka. Bibisita raw kasi ang mga pasahero sa kanilang kamag-anak sa Brgy. Macambol.
Ayon sa Davao Oriental Police Provincial Office, nakarating sa karagatang bahagi ng Oak Island ang PCG dakong alas-4:00 ng hapon.
Wala naman daw tinamong seryosong injury ang naturang mga pasahero at ligtas na naihatid sa kanilang mga kamag-anak.
Kinilala ang mga na-rescue na sina Jocelle Benidicto, 30; Jane Flores, 26; Joshua Aquino, 23; April Agualan, 25; at Jay Flores, 21.