Lima pang heneral ang binigyan ng bagong posisyon ni PNP Chief Police Gen. Camilo Pancratius Cascolan matapos ang malawakang pagbalasa sa liderato ng PNP noong nakaraang linggo.
Itinalaga ni Gen. Cascolan bilang bagong direktor ng Civil Security Group si Police Major General Israel Ephraim Dickson kapalit ni Police Major Gen. Roberto Fajardo na nagretiro na sa serbisyo.
Nilipat naman sa posisyong binakante ni Dickson na Director for Integrated Police Operations-Visayas si Police Brigadier General Manuel Abu mula sa kanyang dating pwesto bilang Regional Director of Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR)
Si Police Brigadier General Samuel Rodriguez ang itinalagang bagong Regional Director ng PRO-BAR.
Ang ipinalit naman sa dating pwesto ni Brig. Gen. Rodriguez na Director ng Information Technology Management Service ay si Police Brigadier General Daniel Mayoni mula sa Directorate for Police Community Relations.
Si Police Brig. General Julius Lagiwid ay itinalaga naman bilang Deputy Director for Police Community Relations habang si Police Colonel Eric Noble ang ginawang DPCR Executive Officer.
Una nang sinabi ni Gen. Cascolan na ang kanyang pagtatalaga ng mga opisyal ay base sa prinsipyo na “placing the right person in the right job.”