BACOLOD CITY – Pinaghahanap pa ng mga otoridad ang limang buwang sanggol na inanod ng tubig kasabay ng malawakang pagbaha sa Lungsod ng Bacolod simula kahapon hanggang kagabi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Aaron Bais, pinuno ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, kinumpirma nito ang pagkaanod ng sanggol sa ilog sa Purok Malinong, Barangay Taculing kagabi.
Ayon kay Bais, natutulog ang mag-anak at nagising na lamang ang mga ito nang namalayan na inaanod ng baha ang kanilang bahay at nawawala ang sanggol.
Kaagad namang nagsagawa ng rescue operations ang pulisya ngunit hindi pa nakikita ang sanggol.
Nabatid na nalubog sa tubig-baha ang malaking bahagi ng lungsod kasabay ng halos buong araw na pag-ulan kahapon.
Kabilang sa mga binaha ay ang Lacson Street gayundin ang harap ng istasyon ng Bombo Radyo kung saan naging masikip ang daloy ng trapiko hanggang alas-9:00 ng gabi at maraming pasahero, estudyante at empleyado ang na-stranded.
Nasaksihan din ang mala-“exodus” na sitwasyon sa kahabaan ng Lacson Street dahil mas pinili na lamang ng mga estudyante at pasahero na maglakad sa baha sa halip na maghintay sa mga stranded na sasakyan.