-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Limang indibidwal sa SOCCSKSARGEN Region ang nominado sa Search for Outstanding COVID-19 Volunteer (SOCV) ng Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency (PNVSCA).

Kabilang sa mga nominado si Mark Ferven Avance ng Midsayap, Cotabato na pinangunahan ang mga kabataan sa kanilang bayan sa paggawa at pamimigay ng mga personal protective equipment, maging sa pamamahagi ng relief packs sa mga mahihirap na pamilya. Nominado din si Jimboy Baldesco ng General Santos City na nagsagawa ng community kitchen at donation drive, maging ng pamamahagi ng tulong sa mga nangangailangang senior citizens sa Purok Silway Fatima, Dadiangas West.

Kasali din sa mga regional nominee si Orlando Batallones ng Koronadal City, South Cotabato na pinangasiwaan ang pag-organisa ng mga relief repacking at distribution activity, preparasyon at produksyon ng mga PPE, at pakikipag-ugnayan sa mga donor.

Pasok din bilang nominee si Jessie Cruz ng Koronadal City na pinangunahan ang Bulig Kontra COVID sa iba-ibang bayan sa lalawigan kung saan nakalikom ng malaking halaga at mga donasyon na ibinahagi sa mga frontline worker at mga pamilyang naapektuhan ng lockdown. Nakiisa din si Cruz sa pagtulong sa mga micro-small and medium enterprise sa lalawigan sa pamamagitan ng BUYanihan South Cotabato.

Nominado din sa SOCV si Dr. Faye Travilla ng Banga, South Cotabato na pinangunahan ang Shield Pinas sa pamamahagi ng mga PPE, aerosol, at waterproof gown sa ilang mga ospital sa South Cotabato. Sa pamamagitan ng volunteer efforts ni Travilla, nagkaroon ng lokal na disenyo ng waterproof gown na aprubado ng Department of Health ang ilang mga ospital sa lalawigan sa kabila ng problema ng mapagkukunan ng mga gamit na ito dahil sa lockdown.

Mula sa limang regional nominees, isa ang pipiliing pambato ng rehiyon para sa national level. Sa isinagawang Regional Steering Committee XII virtual meeting nitong Lunes na pinangunahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) XII, mas kinilala pa ang mga nominado at tinalakay ang kanilang mga volunteer activity ngayong may pandemya.

Sa ilalim ng SOCV, kinikilala ang mahahalagang ambag ng mga indibidwal sa pagtugon sa krisis dulot ng coronavirus disease 2019.

Samantala, nagpaabot naman ng kanyang pasasalamat si NEDA XII regional director Teresita Socorro Ramos sa mga volunteer sa kanilang dedikasyon at adhikaing makatulong sa mga nangangailangan. Ani Ramos, mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga volunteer bilang katuwang ng pamahalaan sa pagsusulong ng isang mapayapa at maunlad na komunidad.