Naniniwala si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno na kayang maabot ang gross domestic product (GDP) growth na 5 hanggang 6 percent.
Sinabi ito ni Diokno matapos na lumago ang ekonomiya ng bansa ng 7.1 percent sa third quarter ng 2021, kasunod ng naitalang 12 percent growth noong second quarter.
Samantala, positibo rin si Diokno na kaya ring maabot ang 7 hanggang 9 percent GDP outlook para sa 2022 at 6 hanggang 7 percent naman sa 2023. Ito’y dahil sa patuloy na bumubuting rollout ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) vaccines sa bansa na nagresulta kamakailan nang pagbaba ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Nauna nang sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua na maaaring makabalik sa pre-pandemic level ang ekonomiya ng Pilipinas sa susunod na taon.
Kung maaalala, nitong Oktubre ay bumagal ang galaw ng presyo ng bilihin at serbisyo o inflation bunsod nang pag-stabilize ng presyo ng karne at isda.
Mas marami na ring mga empleyado ang nakakabalik sa kanilang trabaho dahil sa pagbubukas pa lalo ng ekonomiya.
















