KORONADAL CITY – Umabot na ngayon sa limang bayan sa lalawigan ng South Cotabato ang apektado nang pananalasa ng buhawi kasabay ng malakas na pagbuhos ng ulan kung saan may daan-daang mga bahay na nasira pati na rin mga pananim.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Emil Sumagaysay, MDRRMO sa bayan ng Tupi, sinabi nito na sa kanilang bayan lamang nasa apat na barangay ang apektado.
Ang mga barangay na ito ay kinabibilangan ng Kablo, Linan, Simbo at Acmonan kung saan nasa 117 ang mga kabahayan ang nawasak habang maraming mga pananim din ang apektado.
Samantala, tatlong mga barangay naman ang apektado sa bayan ng Tampakan kung saan 10 ang totally damaged at 12 ang partially damaged.
Tinatayang aabot naman sa halos P2 million ang danyos sa nasabing kalamidad.
Ayon naman kay Tampakan Mayor Leonard Escobillo, kabilang sa nasira ang poultry farm na pagmamay-ari ng mga ito at banana plantation kung saan nasa harvestable stage na at tinatayang nasa higit P2 million din ang pinsala.
Matagal ring na-stranded ang ilang mga sasakyan dahil sa mga nabaling sanga ng mga malalaking kahoy sa mga bayan ng Surallah at Lake Sebu .
Habang tinangay naman ng hangin ang ilang mga barong barong ng mga magsasaka at ilang residente sa bayan ng T’boli, South Cotabato.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang damage assessment nga PDRRMO-South Cotabato sa kabuuang pinsala ng kalamidad sa mga bahay, pananim at mga residente sa nabanggit na mga bayan.
















