CAUAYAN CITY – Nasa pangangalaga na ng pulisya sa Nueva Vizcaya ang inarestong 4th nominee ng Anakpawis Partylist matapos silbihan ng kanyang warrant of arrest sa bayan ng Bayombong.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Captain Rigor Pamittan, DPAO Chief ng 5th Infantry Division Phil. Army na sa bisa ng mandamiyento de aresto ay inaresto si Isabelo Adviento, mas kilala bilang Tang Buting, 4th nominee ng Anakpawis Partylist, sa isang food chain sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Si Adviento ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act o 10591 illegal possession of firearms ammunition or explosives na naisampa pa noong taong June 2021.
Pinabulaanan naman ni Captain Pamittan ang paratang ng akusado na planted ang mga baril, granada at mga pampasabog na nakuha sa kanyang bahay sa Barangay Carupian, Baggao, Cagayan noong ikadalawa ng Disyembre, 2020.
Hindi rin sila namomolitika at ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho na isinilbi ang warrant of arrest ng akusado.
Si Adviento ay Regional Coordinator ng Anakpawis Cagayan Valley.
Ibinunyag din ng mga sumukong NPA sa rehiyon na isa si Adviento na humikayat sa kanilang pumasok sa rebeldeng pangkat na patunay lamang na may ugnayan ang anakpawis sa rebelding pangkat.










