Hindi bababa sa 44 katao ang nasawi matapos tumaob ang isang overloaded ferry sa Lake Kariba sa Zimbabwe.
Ayon sa Civil Protection Unit, may sakay na 114 adult passengers, limang crew member at hindi pa matukoy na bilang ng mga bata ang ferry nang mangyari ang insidente noong Martes.
Napag-alaman na may kapasidad lamang na 90 pasahero ang ferry.
Una nang iniulat ng mga awtoridad na 77 katao ang nailigtas at 15 bangkay ang narekober.
Kalaunan, itinaas ng Zimbabwe Republic Police ang death toll sa 44 habang nagpapatuloy ang search and rescue operation.
Ayon sa isang saksi, bumiyahe ang ferry sa kabila ng masamang panahon at posibleng tinamaan ng malakas na alon na naging dahilan upang tumaob ito.
Agad na rumesponde ang mga kalapit na bangka, habang tumulong din ang mga diver, mas malalaking sasakyang pandagat, militar at helicopter mula sa isang national park.
Sinabi ng saksi na ilang katawan ang nakita sa tubig habang isinasagawa ang rescue operation.
Dinala naman ang mga nailigtas na pasahero sa Long Island, isang lugar na matatagpuan sa gitna ng Lake Kariba.
Dalawang funeral parlor na rin ang inatasang mangolekta ng mga narekober na bangkay habang nagpapatuloy ang paghahanap sa mga nawawala.
Ang Lake Kariba ay nasa border ng Zimbabwe at Zambia at itinuturing na pinakamalaking artificial lake sa mundo.














