-- Advertisements --

Isang bangkang pangisda na lulan ang 40 tripulante ang umano’y nabangga ng hindi pa nakikilalang barko sa Cabra Island sa Occidental Mindoro.

Ang bangkang pangisda na “Ron Kirby 4” ay naka-angkla sa katubigan ng Cabra Island habang ang mga tripulante nito ay nasa pangingisda nang masagasaan ito ng hindi kilalang sasakyang pandagat ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Nagresulta ito sa pagkasira ng outrigger ng nasabing fishing vessel.

Nagtalaga ang PCG ng mga search and rescue personnel sa lugar na pinangyarihan ng banggaan para iligtas ang mga tripulante.

Sa ngayon ang lahat ng 40 crewmember ng fishing vessel ay nailigtas at nasa mabuting kondisyon.

Dinala ang mga nasagip na tripulante sa Calatagan Port sa Batangas sakay ng BRP Bagacay.

Nakipag-ugnayan ang PCG sa Philippine National Police (PNP) para hanapin ang sasakyang-dagat na nakabangga sa naturang fishing boat.