KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad matapos ang pananambang sa isang negosyante at mga magsasaka sa Maguindanao.
Base sa impormasyon ng mga pulis, nangyari ang ambush sa highway ng Barangay Rebuken, Sultan Kudarat sa nasabing probinsya, kung saan pinagbabaril ang negosyanteng si Dayaba Kari, 67-anyos, at ang driver nitong si Danny Apostol.
Ito’y habang sakay sila sa kanilang Toyota Wigo kung saan ang mga gunmen ay sakay naman ng Toyota Innova na agad na tumakas sa ‘di malamang direksyon matapos ang krimen.
Nagtamo ang negosyante at driver nito ng multiple gunshot wounds.
Sa kabilang dako, pinatay din ng riding-in-tandem ang dalawang magsasakang miyembro ng tribung Iranun sa Barangay Macasandag, Parang, Maguindanao.
Ito’y sina Omar Pandi, 30, at Ismael Mantar, 41, na lulan ng truck na may kargang farm products patungo sana sa merkado ng bayan ng Parang.
Kaagad na isinugod sa mga bahay-pagamutan ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival ang mga ito.
Kaugnay nito, away sa negosyo at away pamilya ang isa sa mga tintingnang anggulo sa krimen.