-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Apat katao ang nasawi sa ambush sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang mga namatay na sina Pfc Heredin Kanakan, tauhan ng Philippine Army at nakatira sa Barangay Sta Cruz, Koronadal City; Kamidon Kanakan, residente ng Almonte Extension, Cotabato City; Fatima Manampen Usman, taga-Muntinlupa City at isang babae na hanggang ngayon ay ‘di pa natutukoy ang pagkakakilanlan.

Ayon kay Maguindanao police provincial director Colonel Donald Madamba, sakay ang mga biktima sa isang Suzuki multicab na kulay puti na may plakang MAB- 2431 sa bahagi ng Barangay Tulunan, Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao nang ito ay tambangan ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan gamit ang M16 armalite rifles at kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Datu Anggal, Midtimbang.

Patay on the spot ang mga biktima nang magtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.

Narekober ng mga nagrespondeng pulis at sundalo ang maraming empty shells ng M16 armalite rifle, kalibre .45 na pistola, 6 grams ng shabu at mga personal na kagamitan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Datu Anggal Midtimbang PNP sa naturang insidente.